
Internet Prescription ni Dok Bru
Isa sa mga dahilan kung bakit nagsisikap akong sumulat ng tungkol sa mga iba’t ibang sakit sa wikang Filipino ay para masama ko ito sa aking internet prescription. Ang internet prescription ay listahan ng mga websites na puwedeng basahin ng pasyente sa kanyang pag-uwi. Naniniwala kasi ako na mas naiintindihan ng pasyente ang kanyang sakit ay mas magiging madali para sa kanya na alagaan ang kanyang sarili. Ginagawa ko na rin ang internet prescription dati pa para sa mga pasyente kong may may mga hindi pangkaraniwang sakit tulad ng sa adrenals o pituitary gland. Pero ang mga website na nirerekomenda ko ay kadalasang nasa wikang Ingles. Ang pangarap ko kasi ay makasulat ng internet prescription kung saan ang mga websites na nakalista ay naglalaman ng impormasyon sa wikang Filipino. Dahil dito lahat ng posts ko ay matatagpuan rin sa www.dokbru.endocrine-witch.net. Yun nga lang, hindi kasi nababasa ito ng lahat lalo na kung naka free data lamang.
Sa ngayon may pailan-ilang impormasyon tungkol sa iba’t ibang kondisyon sa MedlinePlus. Ang MedlinePlus ay pinapatakbo ng National Library of Medicine ng Amerika kaya mapagkakatiwalaan ang mga nakasulat dito.