Nakakataba Ang Mas Malaking Pinggan!

By in Diabetes on November 27, 2017

Alin sa dalawang itim na bilog ang mas maliit?

Pareho lang ang laki ng dalawang itim na bilog. Pero nagmumukhang maliit ang itim na bilog na nasa loob ng bilog na puti. Mas malaki ang puting bilog na nakapaligid sa itim na bilog ay mas lalong liliit tingnan ang itim na bilog. Ang tawag dito ay Delboeuf illusion. Ano ang kinalaman ng ilusyon na ito sa pagpapayat?

Gumawa ng pag-aaral sina Professors Brian Wansink at Koert van Ittersum para malaman kung ano ang epekto ng laki ng plato sa dami ng kinakain. Kung maglalagay ng magkasingdaming pansit sa isang plato na ang lapad ay 12 inches at ang isa naman ay 10 inches, mas magmumukhang konti ang pansit sa mas malaking plato. Dahil dito, mas nagdadagdag ng pansit ang mga tao na gumagamit ng 12-inch na plato kasi akala nila konti lang ang kanilang nalagay sa plato. Kapag papalitan ang 12-inch na plato ng mas maliit na 10-inch na plato ay 22% kaagad ang mababawas na calories sa kinakain at hindi ito makakaapekto sa kabusugan ng kumakain.

Sa may diabetes, ang aking nirerekomenda nga ay 9-inch na plato lamang at bawal mag-refill ng plato.

Ang isang tip pa ay ang paggamit ng malaking plato para kumain ng mga masusustansiyang pagkain tulad ng gulay. Gumamit ng malaking plato sa pagkain ng salad halimbawa. Gumamit naman ng maliliit na plato para sa mga pagkaing gustong kainin nang mas kaunti. Ah, kaya nga pala platito lang dapat ang gamitin kung kakain ng panghimagas na cake, fruit salad o leche flan ngayong darating na Pasko!

At di ba ninyo napapansin, ang lalaki din ng mga plato sa mga buffet at mga restawran. Alam na this! Eh paano naman kaya kung kutsarita ang gagamitin sa pagkain?

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.