Banana o Banana Split?

By in Diabetes on November 25, 2017

Alin ang kakainin mo – banana o banana split? Paano nga ba tayo pumipili kung ano ang kakainin natin? Madalas itong tinatanong sa clinic ko. Dok, ano ba ang puwede at bawal kong kainin?

Dati iniisip ko, di ba madali lang ‘yun, self-control lang. Pero masalimuot pala ang desisyon ukol sa pagpili ng pagkain. Ano-ano ang nakapaloob sa desisyon para pumili alin ang kakainin?

1. Biological. Gutom na ba, busog na o ano ang lasa ng pagkain? Katawan natin ang tumutugon dito. Kahit alam mong dapat hindi kainin eh gutom ka na! Kaya nga binibilin ko sa mga pasyente na may diabetes na kumain sa oras. Kasi kung nalipasan na ng gutom ay kahit ano kakainin mo na talaga.

2. Economic. Depende sa kinikita at ginagastos kung ano ang pagkaing malalagay sa hapag. Minsan sabi ko sa pasyente kong may diabetes – hindi po bawal ang prutas at maganda pong kumain nito basta huwag lang sobra. Puwede pong saging, mansanas, ubas. Ang sagot ng pasyente sa akin, Dok, wala kaming pangbili niyan. Ulam lang ang kaya.

3. Physical. Depende sa kasanayan sa pagluluto at oras. Kahit sabihin ko sa pasyente na ‘Nay, dapat po sana nilaga, pinangat, paksiw at sinigang na lang imbes na prito. Minsan ang sinasabi sa akin, eh Dok wala kasi akong oras na magluto ng ganyan at marami pang sahog na kailangan. Mas madali pa ring magprito na lang.

4. Social. Depende rin ang pagkain sa kultura, pamilya, mga kasama sa bahay at mga nakasanayang pattern ng pagkain. Halimbawa, ang hirap talaga magpayo ng diet sa Filipino. Lahat kaya ng okasyon natin, kay masaya o malungkot ay kain tayo nang kain. Mula sa binyag, kasal, birthday at kahit sa paglalamay. May pasyente rin akong nagsasabi na Dok, para makasunod ako sa diet na gusto ninyo ay hindi na lang ako sasabay sa pagkain ng mga anak ko kasi natutukso ako sa kinakain nila. Kawawa naman!

5. Psychological. Depende sa mood, stress at guilt. Dok, kumain talaga ako nang kumain kasi nalulungkot ako eh. O sobrang stress ko talaga kaya dinaan ko na lang sa kain, kaya po tumaas ang asukal sa dugo. O Dok, nahilo ako kanina. Kasi kahapon ang dami kong nakain kaya ngayon hindi na ako kumain talaga.

6. Mga paniniwala at kaalaman ukol sa pagkain. Halimbawa, Dok kumain ako nang kumain ng seaweeds dahil may goiter ako. Di ko po alam na bawal pala ‘yan kung toxic goiter.

Pag-isipan natin kung paano tayo pumipili ng pagkain. Malapit na ang Pasko! Marami tayong magiging desisyon kung ano ang ating kakainin.

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.