Eh kasi, sabi sa Internet

By in Adrenal, Diabetes, Goiter (Bosyo) on November 16, 2017

May mga doktor na naiinis kay Dr. Google. Minsan kasi ang nangyayari sa clinic, sasabihin ng pasyente sa doktor, Eh kasi sabi sa Internet … Sasagot naman si Dok, eh di kay Dr. Google ka na lang magpatingin. Naku, walang mangyayari kapag ganyan ang usapan. Sa mundo ngayon, ang bawat bagay o serbisyo ay may dalawang bahagi: pisikal at impormasyon. Halimbawa ay kailangan ng pasyente ng thyroid biopsy. Puwedeng masagot ni Dr. Google ang tungkol sa thyroid biopsy, paano ito ginagawa, ano ang mga puwedeng komplikasyon, ano ang inaasahang resulta – ito ang bahagi na impormasyon. Pero, si Dok pa rin ang gagawa ng thyroid biopsy – ito ang pisikal na bahagi. Hindi naman kayang gawin ni Dr. Google ‘yun. Kaya tulong tulong na lang.

Ang problema lang, hindi lahat ng nasa Internet ay tama at dapat paniwalaan. Paano makakahanap ng mabuting impormasyon tungkol sa kalusugan?

Si Dr. Jen Gunter ay isang obstetrician-gynecologist sa Amerika. Naging kilala siya sa Twitter noong sabihin niya na walang ebidensya na nakakabuti ang pagggamit ng jade egg na iniindorso ni Gwyneth Paltrow para sa mga kababaihan. Naniniwala si Dr. Gunter na dapat tayong maging mapanuri sa mga impormasyon na nababasa natin sa Internet. Paano gagawin ito? Ito ang mga minumungkahi ni Dr. Gunter:

1. Nagtitinda ba ang website ng produkto na may kaugnayan sa paksang tinatalakay nito? Halimbawa, ang website ay tungkol sa pagbawas ng timbang at nagbebenta rin ito ng produkto para pumayat. Payo ni Dr. Gunter na huwag tangkilikin ang ganitong website.

2. Nagtitinda ba ang website ng supplements? Mag-ingat sa mga website na masyadong nangangako ng paggaling o paghaba ng buhay na hindi naman nakabase sa siyensya.

3. Gumagamit ba ang website ng quasi-scientific buzz words? Ang mga halimbawa na binigay ni Dr. Gunter ay toxins, heavy metals, detoxification at adrenal fatigue. Ginagamit ang mga salita na ito para magmukhang scientific ang website.

4. Kagilagilalas (sensational) ba ang laman ng website? Kung hindi lahat ng tao napapagaling sa kahit anong sakit, ay mga sobrang nakakatakot naman na mga kuwento ang nasa website. Ayon kay Dr. Gunter, sa kabuuan ang mga gamot o pamamaraan ng panggagamot ay hindi black and white na nakakabuti o nakakasama kaya dapat mag-ingat sa ganitong mga website.

5. Mayroon bang gamot na pino-promote ang doktor? Kung sa tingin mo ay biased ang doktor, mas mabuting maghanap ng ibang website na mapagkukunan ng impormasyon na hindi biased.

6. Gaano na katanda ang impormasyon na nasa website? Sabi ni Dr. Gunter, kung dalawang taon na o higit pa kung kelan sinulat ito ay baka outdated na ang impormasyon, dahil mabilis ang mga pagbabago sa medisina.

7. Puno ba ng patient testimonials ang website? Puwedeng gumaling sa Maria, pero hindi ibig sabihin na gagaling din si Juan. Tama kaya ang diagnosis at talaga nga kayang bumuti ang pasyente? Paano natin malalaman kung ang mga kuwentong ito ay tama, totoo at hindi biased?

8. Gumawa ng listahan ng mga website o experts na mapagkakatiwalaan. Sa ngayon may pailan-ilang impormasyon tungkol sa iba’t ibang kondisyon sa MedlinePlus na nakasulat sa wikang Pilipino. Ang MedlinePlus ay pinapatakbo ng National Library of Medicine ng Amerika kaya mapagkakatiwalaan ang mga nakasulat dito. http://medlineplus.gov/languages/tagalogfilipino.html

Nirerekomenda ko rin po ang Mayo Clinic Diseases and Conditions. http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.