Huwag matakot sa thyroid cancer!

By in Goiter (Bosyo) on September 28, 2017

May mga bagay na kahit ilang beses mong gawin, ay hindi makakasanayan. Para sa akin bilang isang endocrinologist, isang halimbawa ay ang ipaalam sa isang pasyente na ang resulta ng kanyang thyroid fine needle aspiration biopsy ay KANSER. Sa pagsambit ko ng salita na kanser, tiyak ay malulungkot ang pasyente. May mga umiiyak sa clinic ko. Meron ding nanghihinayang na hindi nila pinansin ang bukol sa leeg kaagad. Meron ding mga nagagalit, hindi naman sa akin kung hindi sa kanilang sarili o sa Diyos.

Kadalasan, bago ko ipadala ang pasyente ay sinasabi ko na ang dapat mabasa sa resulta ng biopsy ay COLLOID. Kapag ‘yan ang nakasulat, ibig sabihin ay BENIGN ang resulta – hindi kanser. Minsan din, ang sinusulat ng pathologist ay NO MALIGNANT CELLS SEEN. Ang salitang malignant ang ibig sabihin ay cancerous kaya kung “NO malignant cells seen” ay walang nakitang kanser. Ngunit kung kanser ang findings, ang salitang ginagamit kadalasan ay CARCINOMA. Kung ang nakasulat naman sa report ay BLOODY SMEAR, ibig sabihin ay dugo lamang ang nakita at kailangang ulitin ang biopsy. Kung ACELLULAR SMEAR, ay walang laman na nakuha at kailangan ding ulitin ang biopsy.

Kung may bukol sa thyroid na nakita, tinatanong kaagad ng pasyente kung ito ba ay ordinaryong bukol o masamang bukol. May mga bukol na iba ang hitsura sa ultrasound at mas mataas ang tsansa na ito ay maging cancerous. Sa clinic, tinatawag ko itong SUSPICIOUS. Ibig sabihin, kailangang patunayan na ito ay HINDI kanser.

Walang ibang paraan na malaman kung ang bukol sa thyroid ay kanser kung hindi ito tutusukin para makakuha ng konting laman para mabasa ng isang pathologist – ito yung tinatawag na FINE needle aspiration biopsy. Madalas tinatanong ako ng pasyente kung ligtas bang magpa-biopsy at hindi ba kakalat lalo ang tumor kung tutusukin ito? Noong araw mas malalaking karayom ang ginagamit kaya may ganoong posibilidad. Hindi na ito totoo ngayon kasi nga manipis o FINE needle na ang ginagamit. Kung tinatanong ako kung gaano ito kasakit, malimit kong sinasabi na ang sakit ay kahalintulad ng kung nagpapakuha ng dugo sa braso – ‘yun nga lang sa leeg ang tusok. Hindi rin kailangan ng anesthesia, tulad ng pag nagpapakuha ng dugo sa ugat.

May iba’t ibang klase ng kanser sa thyroid tulad ng:

1. Papillary thyroid cancer

2. Follicular thyroid cancer

3. Medullary thyroid cancer

4. Anaplastic thyroid cancer

5. Thyroid lymphoma

Karamihan ng mga pasyente ay may papillary thyroid cancer. Ang papillary at follicular thyroid cancer ay CURABLE – ibig sabihin, sa tamang paggagamot ay puwedeng gumaling. Kaya hindi tinataningan ang buhay ng mga taong may ganitong klaseng kanser. Noong ako ay nasa training pa, may isang doktor na narinig kong nagsabi sa pasyente –

Kung kausap mo ang Diyos, at ang sabi Niya ay bibigyan kita ng kanser. Sumagot ka na ok lang po basta thyroid cancer.

Hindi ito nakakatawa na biro pero isa ito sa mga sinasabi noon para maintindihan ng pasyente na hindi death sentence ang papillary o follicular thyroid cancer.

May mga sintomas ba ang kanser sa thyroid? Puwedeng walang maramdaman liban sa mabilis na paglaki ng bukol sa thyroid. May mga iba naman na nagiging paos ang boses o nahihirapang huminga o lumunok kapag malaki na talaga ang bukol sa thyroid.

Mga 5% ng mga bukol na nakakapa sa thyroid ay cancerous. Ibig sabihin, kung may 100 katao na may bukol sa thyroid ay 5 lamang dito ang may kanser. Ngunit hindi natin ito malalaman base lamang sa hitsura nito sa ultrasound kaya kadalasan ay kailangan ng biopsy.

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.