Ano ang gangrene?

By in Diabetes on September 4, 2017

Isa sa mga pinakakatakutang komplikasyon sa diabetes ang maputulan ng paa. Puwedeng maputulan ng daliri sa paa o kamay nang dahil sa GANGRENE. Puwede rin itong mauwi sa pagkamatay kung hindi maagapan. Ano ang gangrene?

Ang gangrene ay isang kondisyon kung saan namamatay ang laman dahil sa nawawalan ng supply ng dugo dito. May tatlong klase ng gangrene:

DRY gangrene. Dahil sa pagtigil ng pagdaloy ng dugo ay naninigas, natutuyo at nangigitim ang balat at laman sa dulo ng mga daliri ng paa o kamay. Puwedeng kusang mahulog o maputol na lang ang daliring may dry gangrene.

WET gangrene. Namamaga ang laman at nagtutubig. Puwedeng magkaroon ng mga paltos (blister) at mabaho ito.

GAS gangrene. May ibang klaseng bacteria ang namamahay sa balat. Gumagawa ito ng gas o hangin. Kapag hinawakan ang laman, makakapa na may mga bula (bubbles) ng hangin sa loob nito. Maririnig na pumuputok ang mga hangin sa nasa loob ng laman kapag diniinan ang balat.

Kapag nag-uumpisa ang gangrene, puwedeng maputla muna ang balat dahil sa kawalan ng daloy ng dugo at malamig ito kapag hinawakan. Kalaunan ay nangigitim o nag-iiba na ng kulay ang balat.

Kaya kung may diabetes, dapat ay panatilihing nasa target ang asukal sa dugo. Tuwing gabi, bago matulog ay tingnan nang mabuti ang mga paa kung may sugat o paltos. Minsan kasi ay sobrang manhid ang paa kaya hindi napapansin kaagad na may sugat na pala hanggang sa ito ay nangangamoy na o mauwi sa gangrene.

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *