Ano ang incretin effect?

By in Diabetes on August 23, 2017

INCRETIN. Short for “intestinal secretion of insulin.” Ano daw?! Walang insulin na galing sa intestine (bituka) pero dati iyan ang inakala ng mga siyentipiko. Napansin kasi nila na mas maraming insulin ang nakikita sa dugo kapag ang asukal ay kinain (dumaan sa bituka) kesa kung ang sindaming asukal ay pinadaan sa ugat (sa suwero).

Kapag ang tao ay kumain ng tinapay, matutunaw ito sa bituka at magiging asukal sa dugo. Ang pagtaas ng asukal sa dugo ang signal sa lapay na maglabas na ng insulin. Paano kung imbes na kakainin ang tinapay ay sa ugat padadaanin ang katumbas na dami ng asukal? Naglalabas din ng insulin ang lapay pero mas konti ang insulin kumpara kung kinain na lang ang tinapay. Bakit ganoon? Dito nagsimula ang research para malaman kung ano ang meron sa bituka kaya mas maraming nilalabas na insulin ang lapay.

Meron pala kasing INCRETIN HORMONES sa bituka na nagpapadami sa nilalabas na insulin ng beta cells. Dahil mas maraming insulin na galing sa lapay nang dahil sa incretin effect, nakakatulong itong mapababa ang asukal sa dugo. Kalaunan ay nadiskubre na ng mga siyentipiko paano palawigin ang epekto ng incretin hormones. Natuklasan nila ang mga gamot sa diabetes na tinatawag na DPP-IV inhibitors. Ang pangalan ng mga gamot na ito ay nagtatapos sa -TIN tulad ng sitagliptin, saxagliptin, vildagliptin at linagliptin.

Naka-imbento rin ang mga siyentipiko ng mga gamot na mala-incretin ang epekto. Ito ang mga gamot na GLP-1 agonists na iniiniksyon. Nagtatapos naman ang pangalan ng mga gamot na ito sa -TIDEĀ  tulad ng exenatide at liraglutide.

Mga isang dekada pa lang natuklasan ang mga gamot na ito kaya mas mahal ang presyo nito kumpara sa mas matagal nang mga gamot para sa diabetes.

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.