Lakad lakad sa mall ‘pag may time!

By in Altapresyon, Diabetes, Kolesterol on June 10, 2017

Tuwing tag-ulan, sinasabi ng mga pasyente ko na nababawasan ang kanilang ehersisyo kasi hindi na sila nakakapaglakad. Mahirap nga naman maglakad sa ulan. Baka madulas dahil basa ang semento. Bawal din na lumusong sa baha, at baka magkaroon ng leptospirosis.

Kulang rin ang Maynila sa mga parke o hardin na puwede sanang lakaran. Pati nga sidewalk minsan wala na rin. Saan pa puwedeng maglakad? Sa mall!

Nakakatuwa at sa aking pananaliksik ay nalaman ko na ang Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ay may mall walking guide pala! Ayon sa CDC, ito ang mga dahilan kung bakit puwedeng irekomenda ang paglalakad sa mall:

  1. Ang mall ay climate-controlled. Dito sa Pilipinas, maraming tao sa mall kapag summer dahil aircon ang mall. Kung tag-ulan naman, maraming sumisilong sa mall para hindi mabasa. Kaya puwede talagang lumakad lakad sa mall dahil walang ulan dito at hindi mainit.
  2. Mas ligtas lumakad sa mall. May security guard na nakabantay. Maliwanag ang nilalakaran. Hindi katulad kung sa mga eskinita o mga daan kung saan puwedeng maholdap lalo na kung madilim. Hindi rin kailangang mag-alala na baka masagasaan hindi tulad kung sa tabing daan.
  3. Libre namang maglakad sa mall at may mga facilities din tulad ng mga banyo at mga upuan kung napapagod nang maglakad. May mabibilhan ng tubig kung mauuhaw.
  4. Sa mall, patag ang nilalakaran. Hindi tulad sa mga daan na puwedeng may mga lubak kung saan maaaring matisod. Kung may ilang palapag ang mall, puwede ring gamitin ang mga hagdan para madagdagan ang ehersisyo.

Iba pa rin sana kung makakapaglakad sa labas, lalo na sa mga parke o tabing dagat. Nakakawala ng stress ang pakikipagniig sa kalikasan. Kaya lang, hindi naman lahat ay basta basta makakapunta sa mga ganitong lugar sa siyudad.

Huling payo ni Dok Bru? Iwanan ang wallet o magtabi lamang ng pera para sa pamasahe pauwi, para maiwasan ang tuksong kumain. Maganda rin kung may sakit tulad ng altapresyon o diabetes, na may kasamang maglakad kung sakaling mahilo o manghina.

Reference:

Belza B, Allen P, Brown DR, Farren L, Janicek S, Jones DL, King DK, Marquez DX,
Miyawaki CE, Rosenberg D. Mall walking: A program resource guide.
Seattle, WA: University of Washington Health Promotion Research Center; 2015.
Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.