Anong kinalaman ng atay sa pagtaas ng asukal kung may diabetes?

By in Diabetes on May 17, 2017

Kapag tayo ay kumain, tinatabi ng atay ang asukal. Ang asukal  sa dugo ay (glucose) nagiging glycogen na nakaimbak sa loob ng atay. Hindi ka ba nagtataka kung bakit kahit hindi ka kumakain (halimbawa kung natutulog) ay hindi naman kaagad bumabagsak ang asukal sa dugo? Ito ay dahil sa panahong ito, nilalabas ng atay ang nakaimbak nitong asukal. Siyempre kung matagal ka nang hindi kumakain, mauubos din ang imbak na asukal ng atay at doon na babagsak ang asukal sa dugo.
 
Paano nalalaman ng atay kung kailan siya dapat mag-imbak ng asukal at kung kelan naman siya dapat maglabas nito?
 
Kapag kumakain, tumataas ang level ng insulin sa dugo at bumababa ang glucagon. Ang insulin at glucagon ay mga hormones na galing sa lapay (pancreas). Ito ang signal sa atay para mag-imbak ng asukal.
 
Kapag nakafasting ay bumababa ang asukal sa dugo. Dahil dito, bumabagsak ang level ng insulin at tumataas ang glucagon sa dugo. Ito ang signal sa atay para maglabas ng asukal para maging normal ulit ang level ng asukal sa dugo.
 
Ano ang nangyayari kung may diabetes? Mataas palagi ang level ng glucagon kaya labas nang labas ng asukal ang atay kaya sumosobra ang dami ng asukal sa dugo. Kaya nga, kung hindi kontrolado ang diabetes, ay mataas ang Fasting Blood Sugar (FBS).
 
May mga gamot sa diabetes na may epekto sa glucagon tulad ng DPP-IV inhibitors (sitagliptin, linagliptin, saxagliptin) at GLP-1 agonists (exenatide, liraglutide, lixisenatide).
Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.