Siyam na Tanong Para Sa Doktor

Sa tinagal ng pagsusulat ko dito, marami na akong natutunan sa mga nagtatanong kay Dok Bru. Kung paano magpaliwanag sa mga pasyente na madali nilang maintindihan. Ano ang mga tanong na dapat kong sagutin – kahit hindi pa tinatanong. Natutunan ko yan sa mga tanong ng mga tao sa Facebook, kaya salamat po sa inyo.

Maiksi lamang ang panahon sa clinic para makapagtanong ang pasyente sa doktor kaya noong nakita ko ang article na ito sa Time magazine na pinamagatang Nine Questions Your Doctor Wishes You’d Ask ay naisip ko kaagad na ibahagi ito sa inyo sa wikang Filipino.

  1. Ano-ano ang mga pamamaraan ng panggagamot sa sakit ko? Madalas itong tanungin kay Dok Bru – kailangan ba talaga ng operasyon? Di ba puwedeng gamot na lang? Mahalaga na mapaliwanag ito nang mabuti ng doktor para mawalan ng pag-aalinlangan ang pasyente sa gamutang magaganap.
  2. Ano ang kalalabasan ng gamutan? Dapat ay malinaw sa pasyente kung gagaling ba siya sa gagawing gamutan o maiibsan lamang ang mga sintomas. Halimbawa, puwedeng maging normal ang asukal sa dugo ng pasyenteng may diabetes sa pag-inom ng gamot pero kapag tinigil niya ang pag-inom ng gamot ay tataas muli ang asukal sa dugo. Kasi ang mga gamot sa diabetes ay hindi nakakagaling ng diabetes kundi pinapababa lamang ang asukal sa dugo. Iba naman kung may ubo at uminom ng antibiotic laban sa bacteria sa baga. Pinapatay ng antibiotic ang bacteria kaya pagkatapos uminom ng antibiotic nang isang linggo ay gumagaling na ang ubo at puwede nang itigil ang pag-inom ng gamot.
  3. Kailangan na ba itong gawin ngayon o puwede pa itong pag-usapan sa susunod na balik ko? Halimbawa sabi ng doktor kailangan magpagawa ng cholesterol profile. Kailangan na ba itong gawin kaagad o makakahintay pa dahil hindi naman ito emergency. Kung kailangang operahan ang goiter, puwede bang pagkatapos na ng Pasko o dapat talaga ngayon na? Depende siyempre kung cancerous ang goiter o hindi.
  4. Meron ba akong puwedeng gawin sa sarili ko para mapabuti ang aking kondisyon? Nakakatuwa pero minsan kahit ilang beses na kami nagkita ng pasyente ay nagtatanong pa rin kung ano ba ang mga bawal kainin, kahit nasabi ko na dati. Minsan din, sinasabihan ako ng pasyente na Buti pala tinanong ko Dok kasi wala ka namang sinabi dati tungkol diyan.
  5. Ano ang mga posibleng side effect ng gamutan? Mas mabuting itanong ito nang diretso sa doktor para malaman. Minsan kasi kung kay Dok Google ka magtatanong ay baka matakot ka lang sa mababasa mo. Kung may side effect man ang gamot, hindi naman kasi ibig sabihin na mangyayari na ito sa iyo.
  6. Paano ko malalaman ang resulta ng lab test ko? Dapat ay magpa-appointment na sa doktor kung kelan ipapaliwanag ng doktor ang resulta ng test. Minsan ay hawak na ng pasyente ang resulta pero hindi naman bumabalik sa doktor para mabasa ito. Minsan din ay matagal pa ang bisita sa clinic at hindi na makatulog ang pasyente sa kakaisip sa resulta.
  7. Magkano ang magagastos? Napakahalagang tanong ito! Huwag mahiyang magtanong sa doktor. Tanungin din kung puwede bang mag-claim sa Philhealth o puwede ang senior citizen o PWD discount.  Buti na lang sa clinic ko ay kapitbahay ko lang ang Philippine General Hospital kaya doon ko pinapadala ang pasyente kung kailangan ng murang biopsy halimbawa.
  8. Kailangan ko ba ng second opinion? Malamang mahihiya ang mga pasyenteng Filipino na magtanong nito. Pero kung ang doktor ay bukas ang isip, hindi niya ito dapat ikagalit o ikainis.
  9. Ano pa ba ang mga tanong na dapat kong itanong na hindi ko pa naitanong? Kapag tinanong mo ito sa doktor ay baka may maalala bigla ang doktor na nakalimutan niyang sabihin kaya maganda itong tanong na ito.
Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.