Tama ba ang glucometer reading ko?

By in Diabetes on August 18, 2016

Lagi akong tinatanong ng mga pasyente kung accurate ba ang mga glucometer na ginagamit sa pag-check ng blood sugar sa bahay.

Bakit ganoon Dok, nag-check ako kanina sa bahay bago pumunta ng laboratory, 105 lang sa glucometer ko pero sa lab FBS ko ay 135. Alin ba ang tama?

Ang mga glucometer ay regulated ng FDA dahil dapat tama ang resulta na lalabas dito kasi ginagamit ng mga pasyente ang reading para mapangalagaan nila ang kanilang diabetes. Paano kung mag-inject ang pasyente ng insulin, yun pala mali ang reading ng glucometer at hindi naman pala mataas? Paano kung kumain ng kendi ang pasyente kasi sa reading ng glucometer ay bagsak ang blood sugar pero hindi naman pala? Sa ilalim ng regulasyon para sa mga glucometer, dapat ay hindi hihigit sa 15% ang pagkakaiba ng reading ng glucometer sa laboratoryo. Sa halimbawang binigay ko: 105 + 15% = 121. So mukha ngang hindi accurate yung glucometer dahil 135 ang result sa laboratoryo. Pero minsan naman iba talaga ang resulta sa laboratoryo dahil malayo ito sa bahay – nag-iiba rin talaga ang level ng asukal sa dugo sa bawat minuto.

Talaga nga bang mali yung glucometer at kailangan nang palitan o may mali rin sa pag-check ng blood sugar? Maraming posibleng dahilan para hindi maging tama ang reading ng glucometer.

  1. Expired na ba ang test strips? Tingnan ang expiration date sa bote. Meron ding mga test strips na kapag nabuksan na ang lalagyan ng strips ay kailangang maubos ang laman nito sa loob ng 3-6 na buwan lamang kahit sa isang taon pa ang expiration. Basahin ang nakasulat sa bote o box ng strips para makasigurado. Kasi bawat bukas ng lalagyan ay nae-expose ang mga strips sa hangin kaya nakakabawas ito sa pagiging accurate ng resulta kahit hindi pa expired ang test strips.
  2. May code ba ang test strips? Dapat magtugma ang code sa bote ng strips at yung nasa glucometer. May mga bagong glucometer ngayon na hindi na kailangang i-code.
  3. Huwag hawakan ang dulo ng strip na sinasaksak sa makina. Pagkakuha ng strip sa boteng lalagyan nito ay isara kaagad. Huwag ilipat ang test strips sa ibang lalagyan o alisin sa orihinal na bote nito.
  4. Huwag iwanan ang test strips sa mainit na lugar. Bawal din itong ma-expose sa direct sunlight, kaya nga itim ang plastic na bote ng mga test strips. Iwasang mabasa ang test strips.
  5. Dapat ay husto ang dugo na ilalagay sa test strip. Minsan ay sobrang konti ang dugo kaya tuloy hindi tugma ang reading ng glucometer. Tama rin ba ang paglagay ng dugo sa strip? May mga test strips na sa ibabaw dapat idantay ang dugo at ang iba naman ay sa gilid.
  6. Alagaan din ang glucometer. Huwag itong itago sa mainit na lugar.
  7. Kung may pag-aalinlangan sa resulta ng glucometer, puwedeng gamitin ang control solution na kadalasang kasama sa bote ng strips o glucometer. Ang control solution ang ipapatak sa test strip imbes na dugo para makita kung gumagana pa nang tama ang glucometer.
  8. Maghugas ng kamay bago mag-prick ng daliri para sa test. Kung gagamit ng alcohol swab o ng tubig, siguraduhing tuyo na ang daliri bago ito tusukin. Kung may tubig o alcohol pa kasi sa daliri ay hahalo ito sa dugo kaya hindi na accurate ang reading ng glucometer. Kaya nga may nagsasabi din na huwag gamitin ang unang patak ng dugo at ang pangalawang patak ng dugo na lalabas ang gamitin sa glucometer.
  9. Huwag pisilin ang daliri para lumabas ang dugo. May nagsasabi na mas maraming interstitial fluid (tubig sa ilalim ng balat) ang maaring lumabas imbes na dugo na galing sa ugat. Ang mga lancing device (pangtusok ng daliri) ay may iba ibang settings kung gaano kalalim ang tusok ng karayom nito.
  10. Puwede ring maging iba ang resulta ng glucometer kung ang pasyente ay dehydrated o anemic (kulang sa dugo).
Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.