Iinom pa ba ako ng gamot para sa diabetes?

By in Diabetes on July 10, 2016

Iinom pa ba ako ng gamot para sa diabetes? Malimit itong tanungin sa akin sa clinic.

Case 1. Dok, last year po mataas ang blood sugar ko. Sabi ng doktor may diabetes daw ako. Niresetahan ako ng gamot pero hindi ko ininom. Nag-diet at exercise na lang ako. Noong pinaulit ko ang blood sugar ko pagkatapos ng dalawang linggo ay 85 na lang. Normal daw yun kaya hindi na ako uminom ng gamot. Iinom pa ba ako ng gamot para sa diabetes?

Kung noong isang taon pa iyon ay dapat magpa-check muna ulit ng fasting blood sugar (FBS) at HbA1c para malaman kung ano na ang nangyari sa diabetes. Kapag nag-iingat sa pagkain at nag-eehersisyo ay bumababa ang asukal sa dugo pero puwedeng kulang ito sa target na blood sugar na kailangang abutin. Karaniwan ay pinapa-follow up ang may diabetes ng kada dalawa o tatlong buwan o mas madalas pa para mabantayan ang blood sugar. Bakit? Kasi minsan ay nasa target ang blood sugar at minsan ay hindi. Malalaman lang ito kung ma-momonitor nang madalas ang blood sugar. Ang fasting blood sugar ay puwedeng pabago bago kahit araw araw ito kunin dahil depende ito sa mga kinain at exercise na ginawa. Minsan ay nagre-request ang doktor ng HbA1c para malaman ang average blood sugar sa nakaraang tatlong buwan. Kung ang FBS at HbA1c ay mas mataas sa target, malamang ay kailangang uminom pa rin ng gamot para sa diabetes.

Case 2. Dok, ang gamot ko para sa diabetes ay metformin. Dati 160 ang fasting blood sugar ko. Ngayon parating 90 to 110 na lang. Iinom pa ba ako ng gamot para sa diabetes?

Kaya nagbibigay ng gamot ang doktor para sa diabetes ay para pababain ang blood sugar. Tinitingnan ng doktor ang result ng FBS o HbA1c at magbibigay ng reseta. Ine-estimate ng doktor base sa taas ng blood sugar kung anong dosage ng gamot ang ibibigay. Pagkatapos pinapabalik ang pasyente at inuulit ang blood sugar para ma-adjust ang dosage ng gamot. May target FBS o HbA1c na kailangang marating. Kung ang target FBS na sinabi ng doktor ay 90 to 130 at ganito na nga ang FBS, ang gagawin ng doktor ay itutuloy ang reseta. Hindi ititigil ang gamot. Maaaring hindi rin bawasan ang dosage. Bakit? Kasi kung ititigil ang gamot o babawasan ang dosage ng gamot ay puwedeng tumaas ulit ang blood sugar. Ngayon kung sa pagbalik naman ay mataas pa rin ang blood sugar, malamang ay dadagdagan ang dosage o dadagdagan ng ibang gamot para makatulong sa pagbaba ng blood sugar. Kung below target naman ang blood sugar at ang pasyente ay malimit na may hypoglycemia (labis na pagbagsak ng asukal sa dugo), puwedeng bawasan naman ang dosage ng gamot.

Case 3. Lagi namang ok ang blood sugar ko sabi ng doktor. Hindi pa ba ako magaling sa diabetes Dok? Iinom pa ba ako ng gamot para sa diabetes?

Tulad ng gamot sa altapresyon, maintenance din ang gamot para sa diabetes. Ang sanhi ng sakit na diabetes ay ang pagbaba ng produksyon ng insulin sa lapay dahil sa tuloy tuloy na pagbawas ng beta cells na gumagawa ng insulin. Ang mga tabletang gamot ay nagpaparami ng insulin na galing sa kakaunting beta cells na natira o di kaya’y pinapaganda ang aksyon ng insulin sa katawan. Kung maubos na talaga ang beta cells ay kailangan na ng insulin injections. Wala pa kasing natuklasang gamot na makakapagparami ulit ng beta cells sa lapay ng may diabetes.

Sa huli, nais ko lang magpaalala sa lahat na huwag basta basta magtitigil ng gamot sa diabetes nang hindi nagpapaalam sa doktor dahil maaari itong makasama sa inyong kalusugan.

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.