Ano daw? Usapang Doktor at Pasyente

By in Goiter (Bosyo) on June 22, 2016

Natutuwa at nagpapasalamat ako sa mga nagsasabi na malinaw ang aking mga paliwanag sa mga posts na sinusulat ko. Natututo rin ako sa mga comments at tanong ninyo kung maliwanag nga ba ang pagkasulat.

Marami rin akong natutunan sa aking mga pasyente sa clinic. Mahalaga kasi na malinaw ang pagtatanong ng doktor para maging malinaw din ang kasagutan. Kung maayos ang pag-uusap ng doktor at pasyente ay mas maraming magagawa sa maikling panahon ng konsultasyon sa clinic. Eto ang mga ilang halimbawa –

Dok Bru: Kailan pa ho kayo may diabetes?

Pasyente: Nagsimula po ito noong nabuntis ako sa panganay ko.

Dok Bru: Anong taon po kayo nabuntis?

Pasyente: 1990 po.

Minsan ang mga sagot na nakukuha ko, noong piyesta po sa amin. Noong panahon pa ni Cory. Noong lumipat kami sa Maynila. Noong bagong kasal ako. Kaya ngayon, diretso na ang tanong ko. Anong taon kayo nagkaroon ng diabetes? Ilang taon na kayong may diabetes?  Kung hindi naman matandaan, ginagamit ko ang mga sagot na iyan at ginagawa ko namang tanong. Sino po ang presidente noon? Ilan na ang anak ninyo noon? Minsan kasi mas natatandaan ng pasyente ang mga pangyayari sa kanyang buhay o sa paligid niya kesa kung kelan siya nagkasakit. Siguro dahil gusto na rin nilang malimutan yun.

 

Dok Bru: May kamag-anak po ba kayo na may goiter?

Pasyente: Yung pinsan ko po.

Dok Bru: Saang side?

Pasyente: Naku Dok, hindi ko ho alam. Sa kaliwa yata.

Ang ibig ko kasing tanungin sana ay kung pinsan ba sa side ng tatay o nanay. Ang naintindihan naman ng pasyente ay tinatanong ko kung saang side ang bukol ng pinsan niya.

 

Dok Bru: Alam ninyo po ba kung toxic goiter yung sa pinsan ninyo?

Pasyente: Hindi po.

Dok Bru: Hinihingal ba? May palpitations? Madaling mapagod?

Pasyente: Dok, ako po ba ang tinatanong ninyo o yung sa pinsan ko?

Hahaha, ang labo kasi ni Dok Bru!

 

Para mas maging madali ang konsultasyon, lalo na kung bago kayong pasyente, maghanda para sa inyong appointment.

  1. Isulat ang mga tanong na gustong itanong sa doktor.
  2. Isulat ang mga nararamdamang sintomas, kung kelan nagsimula at kung anong mga sitwasyon ito lumalala o bumubuti.
  3. Dalhin ang lahat ng dating laboratory results: blood test, ECG o mga X-ray, ultrasound at iba pa.
  4. Isulat o dalhin ang lahat ng mga gamot o supplement na iniinom para makita ng doktor.

 

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.