Mga Dapat Tanungin sa Doktor Bago Magpa-opera ng Thyroid

By in Goiter (Bosyo) on June 20, 2016

Mahalaga na naiintindihan ng pasyente ang kahit na anong operasyon na gagawin sa kanya. Ano ang mga dapat tanungin sa doktor bago magpa-opera ng thyroid?

1. Anong klaseng operasyon ang gagawin?

Ang gagawin ba ay total thyroidectomy, subtotal thyroidectomy o lobectomy? Kung total, ibig sabihin ay walang matitirang thyroid. Kapag walang natirang thyroid, kailangang uminom ng l-thyroxine (thyroid hormone tablet) habang buhay. Kung subtotal lang, may matitirang thyroid. Ang thyroid ay may dalawang “lobes.” Ang thyroid ay hugis paruparo na may dalawang pakpak – ang tawag sa pakpak ay “lobe.” Kaya kung right lobectomy, ibig sabihin ay tatanggalin ang kanang bahagi ng thyroid at matitira ang kaliwa.

2. Anong anesthesia ang ginagamit sa operasyon?

General anesthesia. Ibig sabihin tulog ang pasyente.

3. Gaano katagal aabutin ang operasyon?

Depende kung gaano kalaki ang goiter pero kadalasan mga tatlo hanggang apat na oras.

4. Magkano ang thyroidectomy?

Depende kung anong klaseng thyroidectomy ang gagawin, sinong doctor ang gagawa at saang ospital, kung may Philhealth o wala. Humingi ng breakdown ng gastusin sa doktor. Tanungin kung kasama na ba ang bayad sa anesthesiologist, kuwarto, lab tests etc.

5. Anong klaseng doktor ang gumagawa ng thyroidectomy?

Puwedeng mag-opera ng thyroid ang general surgeon, head and neck surgeon o ENT. Ang pinakaimportante kung pipili ng doktor ay kung madalas bang nag-oopera ng thyroid ang siruhano. Sa mga pag-aaral, ang siruhano (surgeon) na mas malimit gumawa ng thyroid surgery ay mas madalang magkaroon ng komplikasyon sa pag-opera.

6. May mga paghahanda bang kailangang gawin bago ng operasyon?

Depende sa edad o mga ibang sakit, kailangan ng medical clearance mula sa isang internist o endocrinologist. Mga karaniwang lab test na kailangan liban sa mga ginagawa para sa thyroid ay ECG, chest X-ray, CBC at blood chem. Layunin ng medical clearance na siguraduhing maayos ang kalagayan ng puso at baga, at kontrolado ang altapresyon, diabetes, hika o iba pang sakit. Kung may iniinom na pampalabnaw ng dugo tulad ng aspirin o clopidogrel, puwedeng ipatigil ito ng doktor nang pansamantala.

7. Anu-ano ang mga posibleng komplikasyon sa thyroidectomy?

Puwedeng dumugo ang sugat pagkatapos ng operasyon. Kaya binibilin sa pasyente na kahit may gasa na nakalapat sa leeg pagkatapos ng operasyon ay dapat maluwag pa ring nakakahinga.

Puwedeng bumagsak ang calcium sa dugo kapag nagalaw ang parathyroid glands. May apat na parathyroid glands na katabi ang thyroid gland. Makakaramdam ang pasyente ng pamamanhid sa paligid ng bibig o paninigas ng daliri. Kailangan itong sabihin kaagad sa doktor para mabigyan ng calcium sa suwero. Puwedeng maging permanente na ang pagbagsak ng calcium sa dugo kaya kailangang uminom na palagi ng calcium supplements.

Puwedeng matamaan ang mga nerves sa tabi ng thyroid. Kung matamaan ang superior laryngeal nerve ay nag-iiba ang boses ng pasyente, puwedeng mahirapang kumanta ng matataas na nota o mahirapang magsalita nang malakas. Kung ang recurrent laryngeal nerve ang mapinsala, puwedeng maging paos ang boses o mahirapang huminga.

Madalang mangyari ang mga komplikasyong ito sa isang surgeon na malawak na ang karanasan sa thyroidectomy.

8. Gaano katagal sa ospital ang pasyente?

Kadalasan ay inaadmit ang pasyente isang araw bago ng operasyon at nakakauwi isa hanggang dalawang araw pagkatapos, kaya ang paglagi sa ospital ay umaabot ng tatlo hanggang apat na araw lamang.

9. Paano ang follow-up ng pasyente pagkatapos ng operasyon?

Kailangang mag-follow up ang pasyente pagkatapos ng isang linggo para makita kung naghihilom ang sugat nang maayos. Makukuha na rin ang histopathology report. Ito yung pagsusuri ng pathologist sa thyroid na tinanggal noong operasyon, para malaman kung cancerous o hindi ang bukol o laman.

10. Kailan puwedeng bumalik sa trabaho pagkatapos ng operasyon?

Karaniwan ay puwede nang bumalik sa trabaho pagkatapos ng isa hanggang dalawang linggo. Pinapayuhang magpahinga at huwag magbuhat ng mabibigat na bagay sa panahong ito. Minsan ay namamanhid ang balat sa leeg o parang humihigpit habang humihilom ang sugat. Huwag mag-alala at mawawala rin ito. Minsan madaling mapagod sa pagsasalita pero dapat manumbalik din ito sa dati pagkatapos ng ilang buwan.

 

 

 

 

Share

3 thoughts on “Mga Dapat Tanungin sa Doktor Bago Magpa-opera ng Thyroid

  1. 1

    Ano-ano po ang mga paraan kung sakaling mapaos ang boses pagtapis ng operasyon?

    • 2

      Follow up lang po sa ENT. Pero sa ibang mga pasyente pong nakikita ko, bumabalik rin po ang boses pagkalipas ng ilang buwan.

  2. 3

    magandang araw po doc…doc may ibang paraan pa ba gumaling ang bukol ko na hindi na kylangan operahan? suggestion kasi ng endo ko kilangannko dw.mgpa opera kasi yun.lng dw ang paraan para gumaling na ako..hindi dw dw pwede ako mabigyan ng gamot pangpalinis kasi mababa ang tsh ko.colloid goiter naman ang result.ng biopsy ko…dahil ang result ng ultrasound solid vascular,my posibiladad dw mgkacancer ang bukol ko..pag operahan po ba ang toxic goiter hindi ba ito dilikado? kasi nasa loob lumaki eh..nasali kasi ako sa midecal.mission so free lahat ang lab kp pati pati pag opera….sana po masagot ninyo katanungan ko…salamat doc.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.