Apat na Tanong Para Kay Dok

Kumusta na kayo? Matagal din akong hindi nakapag-post. Kahit hindi ako nakakapagsulat ng ilang linggo na ay sinisikap kong sagutin sa abot ng aking makakaya ang mga tanong ninyo.

Nakita ko ito sa Twitter mula sa Choose Wisely Canada. Four questions to ask your doctor.

 

CgM_2uCWsAAre2p

 

Sinalin ko sa wikang Pilipino.

  1. Kailangan ko ba talaga ang test, gamot o procedure na ito?
  2. Ano ang masamang puwedeng mangyari kung ipagawa ko ang test o procedure o inumin ko ang gamot?
  3. May mas simple ba o mas ligtas na test o procedure na puwedeng gawin, o gamot na inumin?
  4. Anong mga puwedeng mangyari kung hindi ko ipagawa ang test o procedure o inumin ang gamot?

Karamihan ng mga tanong sa Facebook page ko ay sinasaklaw ng apat na tanong na ito. May goiter po ako, dapat ba itong ipa-opera (procedure)? Ano ang puwedeng mangyari kung itigil ko ang pag-inom ng gamot ko? Parang may bukol po akong nakapa sa leeg, anong mga test ang dapat kong ipagawa? Buntis po ako at sabi inumin ko daw itong gamot na ito, makakasama ba ito sa baby ko?

Inaamin ko na dati ay nagtatampo ako o minsan ay naiinis nang kaunti kapag nagpapayo ako sa pasyente na ipagawa ang isang lab test o procedure at sinasabi sa akin na, Dok kailangan ba talaga ‘yan? Ang dating sa akin ay parang wala siyang tiwala sa kakayahan ko. Pero kalaunan, napagtanto ko rin na kaya pala tinatanong ng pasyente ‘yun ay dahil minsan wala pang pera para ipagawa ang test. O kaya wala silang kamag-anak na puwedeng sumama sa kanila para magpunta sa laboratoryo. O hindi sila makaalis basta ng bahay kasi walang maiiwan, lalo na kung may batang inaalagaan. Minsan din hindi sila puwedeng mag-absent sa trabaho para mapagawa ang test.

Mahalaga ang ikalawang tanong. Kasi minsan ay hindi ito napapag-usapan. Halimbawa, minsan pinayo ko sa pasyente na magpa-biopsy ng bukol sa leeg para malaman kung thyroid cancer ba ito o hindi. Binigyan ko ng request ang pasyente at sinabihan na bumalik kapag may resulta na ang biopsy. Ilang buwan rin bago bumalik ang pasyente. Hindi pala naintindihan ng pasyente na gusto ko sana magawa kaagad ang biopsy. Mabuti na lamang at benign (hindi kanser) ang resulta ng biopsy. Kaya ngayon kapag may pinapagawa akong test o procedure, sinasabi ko na kaagad na dapat sana bumalik sila kaagad sa isang linggo para mabasa ko ang resulta.

Ang ikatlong tanong ay mahalaga rin kasi minsan may gustong ipagawa ang doktor pero ayaw naman ng pasyente. Halimbawa, ang payo ko ay ipa-opera ang goiter pero mas gusto ng pasyente na uminom na lamang ng gamot. Kapag nagtanong siya ay puwede namin itong pag-usapan nang maunawaan niya nang mas mabuti ang kanyang sitwasyon. May mga pasyente kasi na pumupunta sa clinic ko dahil ayaw na nilang bumalik dun sa isang doktor dahil sabi nga daw ay kailangan ng operasyon. Tinatanong ko sila kung tinanong ba nila yung doktor kung may iba pang paraan? Minsan ay nahihiya o natatakot kasi magtanong. Pinapaala ko na ang pasyente pa rin ang masusunod. Hindi naman puwedeng mag-opera ang doktor kung hindi pipirma ang pasyente na siya ay pumapayag. Para sa akin kasi mas delikado yung hindi na lang basta babalik sa doktor dahil sa hindi nagustuhan ng pasyente ang payo ng doktor.

Ang ikaapat ay tinatanong minsan dahil pinag-iisipan ng pasyente ang kanyang gagawin. Nagkaroon ako ng pasyente na tumangging magpa-radioactive iodine para sa thyroid cancer. Ayon sa kanya, may edad na siya at tanggap na daw niya kung kukunin na siya ni Lord. Pinaliwanag ko sa kanya nang mabuti ang mga puwedeng mangyari tulad ng pagkalat ng kanser sa kanyang katawan, pero hindi siya natinag sa kanyang desisyon. Kahit na nalungkot ako dito, dahil siya ang may katawan ay nirespeto ko na lang ang kanyang pagpapasya.

Tandaan ang apat na tanong na ito. Huwag mahiya o matakot magtanong sa doktor.

 

 

Share

2 thoughts on “Apat na Tanong Para Kay Dok

  1. 1

    Doc. Saan po ung clinic nyo? Magkano po consultation fee? Try ko nalang po sana sa inyo magpa-Check up. Thank you po.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.