Tubig na lang, dear!

By in Diabetes on March 16, 2016

Summer na, kaya ang init! Dala nito ang maraming tukso para sa mga pasyente ko. Halo-halo, iced tea at softdrinks – mga pampalamig na puwedeng makataas ng asukal sa dugo para sa mga may diabetes.

Tubig pa rin ang pinakamabisang paraan para maibsan ang pagka-uhaw. Wala itong asukal at wala itong calories kaya hindi ito nakakataba.

Pero sabi ng mga pasyente ko, nakakasawa naman daw ang tubig. Ang boring! Lagyan ng dahon ng mint para magkalasa. Puwede ring lagyan ng cucumber, ginger, lemon o orange slices ang tubig. Puwede ring gawing ice cubes ang purong fruit juice at ilagay ang isa o dalawang fruit ice cube sa baso ng tubig, para maiba lang.

Okay din ang kape at tea kung walang dagdag na asukal o creamer.

Mag-ingat sa soft drinks dahil marami itong laman na asukal. Kung diet softdrink ay wala nga itong calories, pero may mga pag-aaral na nakakataba pa rin ang mga ito dahil naghahanap pa rin ang katawan ng matamis dahil matamis ang mga ito sa panlasa pero walang hatid na asukal sa katawan.

Ang mga sports drink ay para sa mga tumatakbo ng marathon o sa mga taong high intensity ang work-out. May laman itong carbohydrates at electrolytes (mga asin sa katawan) para mapalitan ang mga nawawalang sangkap na ito sa matinding pag-eehersisyo at sobrang pawis. Kung hindi naman high-intensity ang exercise, dagdag asukal at calories lang ang hatid nito.

Ang energy drinks ay marami ring laman na caffeine liban sa asukal. Nag-issue na ang World Health Organization ng warning sa labis na pag-inom ng energy drinks.

Kaya sige na, tubig na lang dear!

 

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.