Bakit kailangang magpa-OGTT ang buntis?

By in Diabetes on January 26, 2016

Ang OGTT ay oral glucose tolerance test. Ang pasyente ay naka-fasting (walang kinain nang walong oras) at pagdating sa laboratory ay kukuhanan ng dugo. Pagkatapos ay papainumin ng isang basong tubig na may 75 grams ng glucose (asukal). Kukuhanan ulit ng dugo pagkatapos ng isa at ng dalawang oras. Sa kabuuan ng OGTT, tatlong beses  kukuhanan ng dugo ang pasyente.

Ang OGTT ay karaniwang pinapagawa sa mga buntis na nasa ika-anim hanggang ika-pitong buwan ng pagdadalang-tao. Puwede rin itong ipagawa ng doktor nang mas maaga o kahit lagpas dito depende sa sitwasyon ng pasyente.  Bakit kailangang magpa-OGTT ang buntis? Para saan ito?

Sa OGTT malalaman kung may diabetes ng pagbubuntis o gestational diabetes. Kung may gestational diabetes kasi ang isang babaeng buntis, nagiging labis ang timbang ng bata sa sinapupunan. Puwedeng umabot ng 9 pounds ang bata kaya tuloy kailangang ma-Cesarean delivery pa ang ina. Ang mga batang pinanganak ng mga inang may gestational diabetes ay mataas ang tsansang maging diabetic sa kanilang paglaki. Ang mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes noong sila ay buntis ay puwede ring magkaroon ng type 2 diabetes sa susunod na mga taon kahit hindi na buntis. Dahil sa peligrong ito sa bata at sa ina, kailangang magpa-OGTT para malaman kung may gestational diabetes.

Pagkatapos manganak ay karaniwang nawawala ang gestational diabetes. Nagiging normal muli ang asukal sa dugo. Pero minsan din ito ay nagtutuloy na kaagad sa type 2 diabetes. Paano malalaman kung nawala o nagtuloy ang diabetes? Sa pamamagitan din ng OGTT. Ang mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes noong sila ay buntis ay dapat magpaulit ng OGTT anim na linggo pagkatapos manganak para malaman kung normal na bang muli ang kanilang asukal sa dugo.

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.