Dok, ang sakit hindi ko ma-describe!

By in Uncategorized on January 24, 2016

Ang pagkakaroon ng PAIN o sakit sa isang parte ng katawan ang isa sa mga dahilan kung bakit nagpupunta sa doktor ang isang pasyente. Maraming itatanong sa inyo ang doktor para mas matukoy niya kung ano ang dahilan ng pananakit para kayo ay matulungan. Pero minsan, hirap ang pasyenteng ilarawan kung paano ba ang sakit na nararamdaman. Basta Dok, masakit! Kapag ganyan, maaari ding mahirapan ang doktor na alamin ang pinanggagalingan ng sakit.

Noong nag-aaral pa ako ng medisina, may acronym kung paano dapat ilarawan ang pain. PQRST. Binabahagi ko ito sa inyo para makapaghanda kayo bago pumunta sa doktor at maging mas maayos ang inyong konsultasyon.

P for provocation/palliation. Anong mga gawain ang karaniwang pinagmumulan ng pananakit? Halimbawa, kapag naglalakad ba o kapag matagal nakaupo? Ano naman ang nakakabawas sa sakit? Halimbawa, mas nawawala ba kapag may pinahid na mainit o kapag nilagyan ng yelo?

Q for quality/quantity. Gaano kasakit? Kumikirot? Parang sinaksak? Pinipiga? Biglang sumusundot? Mabigat? Parang mabibiyak? Pumipitik? Parang kinukuryente? Parang sinisilaban?

R for region/radiation. Saan nararamdaman ang sakit? Isang punto o bahagi lang ba o lumilipat lipat?

S for severity. Kung zero ang walang sakit at 10 ang pinakamasakit, nasaan mula zero hanggang ten ang sakit na nararamdaman? Nakakaabala ba ito sa mga pang-araw araw na gawain? Sobrang sakit ba na kailangang ihiga o umupo muna? Namimilipit ka ba sa sakit?

T for timing. Tuwing kelan sumasakit? Kapag tag-init o kung malamig? Ilang oras o araw ang pagitan ng pagsakit? Araw-araw bang sumasakit? Ilang beses sa isang linggo, buwan o taon nangyayari? Sumasakit ba sa umaga o sa gabi? O walang pinipiling oras? Nagigising ka ba o hindi makatulog dahil sa sakit?  May relasyon ba sa pagkain ang pagsakit? Bago, habang o pagkatapos kumain? Gaano katagal bago mawala ang sakit? Biglang sumasakit o dahan dahang sumasakit?

Ang daming tanong di ba? Minsan hindi na ‘yan natatanong lahat ng doktor kaya maigi kung alam ng pasyente kung paano ilarawan ang sakit na nararamdaman para maging mas maayos ang konsultasyon.

Minsan kasi, ganito ang eksena sa aking clinic.

Dok Bru: Kailan pa po sumasakit ang binti ninyo?

Pasyente: Noong fiesta pa po Dok. Pero dati sumakit na rin ‘yan nung kinasal yung panganay ko.

Hmm, kelan at anong fiesta kaya yun? Ilang taon na kayang kasal yung panganay?

Kapag hindi malinaw ang sagot ay kailangang magdagdag ako ng tanong para mas maunawaan ko ang gustong sabihin ng pasyente. Ok lang yun kaya lang humahaba tuloy ang konsultasyon, at nagagalit na ang mga iba pang naghihintay sa clinic. Kaya naisipan kong isulat ito para makatulong.

May alam ba kayong ibang salita pa para mag-describe ng pain? Hindi hugot lines ha 🙂 mag-iwan ng comment.

 

 

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.