
Dapat ka bang magpa-test para sa diabetes?
Dahil bagong pasok ang taon, dapat ring pag-isipan ang ating kalusugan. Sino sino ang dapat magpa-test para sa diabetes?
Ayon sa Philippine Society of Endocrinology, Diabetes & Metabolism, ang mga sumusunod ang dapat magpa-check ng dugo para sa diabetes.
- Lahat ng Pilipino edad 40 pataas
- Puwedeng magpa-test ang mas bata sa 40 anyos kung –
a. dating may impaired fasting glucose o impaired glucose tolerance (borderline na resulta sa blood sugar test; hindi normal pero hindi sobrang taas para tawaging diabetes)
b. dating nagkaroon ng gestational diabetes o diabetes ng pagbubuntis o nanganak ng sanggol na ang timbang ay 8 pounds or higit pa
c. may polycystic ovary syndrome (PCOS)
d. overweight o obese (sobra ang timbang)
e. waist circumference >90 cm sa lalaki at >80 cm sa babae
f. First-degree relative na may diabetes (halimbawa ay kapatid o magulang)
g. Sedentary lifestyle o yung hindi gaanong aktibo ang pagkilos (lagi lamang nakaupo o nakahiga)
h. Altapresyon BP >140/90 mm Hg
i. Mga sakit sa ugat tulad ng stroke, heart attack o peripheral arterial disease (mga baradong ugat dahil sa mataas na kolesterol)
j. Acanthosis nigricans (pag-itim ng batok at mga siko na senyales ng insulin resistance)
k. Schizophrenia (sakit sa pag-iisip)
l. HDL <35 mg/dL o triglycerides >250 mg/dL (bahagi po ito ng cholesterol profile)
Pagkatapos makuha ang resulta ng inyong blood test (fasting blood sugar o oral glucose tolerance test o HbA1c), dalhin ito sa doktor para mapag-usapan ninyo kung ito ba ay normal, kailangan na ulitin o sundan ng iba pang testing.