Mabula ba ang ihi mo?

By in Altapresyon, Diabetes on November 22, 2015

Mabula ba ang ihi mo? Relaks, baka naman may kemikal sa toilet bowl na humalo sa ihi o sobrang bilis lang ang pag-ihi mo. Pero puwede itong senyales na may protina ka sa ihi. Ang medical term dito ay proteinuria.

Palagi bang mabula o paminsan-minsan lang? Puwede kasing maging mabula ang ihi kung maraming kinain na karne, manok o isda dahil ang mga ito ay may protina. Minsan nagiging mabula rin ang ihi kung umiinom ng mga protein shake o mga protein supplements. Nilalabas kasi ng katawan ang sobrang protina sa ihi. Pero kung hindi naman kumakain o umiinom ng mga ito, mabuti na magpatingin na sa doktor.

Para sa mga may diabetes, ang paglabas ng protina sa ihi ay hindi dapat bale walain. Puwedeng ang proteinuria ang babala sa pagpalya ng mga kidneys na puwedeng mauwi sa kinatatakutang dialysis. Nagkakaroon din ng protina sa ihi kapag hindi kontrolado ang altapresyon. Kaya mahalaga na kung may diabetes o altrapresyon na magpakuha ng urinalysis para masuri ang ihi. Sa test na ito, dapat NEGATIVE ang “albumin” o “protein” sa lab result.

Bumubula lamang ang ihi kung maraming protina na sa ihi. Kaya para sa mga may diabetes, kung negative ang protein o albumin sa urinalysis, ay maaaring magpagawa pa rin ang inyong doktor ng MICRAL test. Ang test na ito ay sumusukat kung may konting protina sa ihi na hindi nakikita sa ordinaryong urinalysis. Puwede ring mag-request ang doktor ng spot urine for UACR (urine albumin-to-creatinine ratio).

Ang mga may diabetes ay dapat magpa-check ng protina sa ihi kahit minsan sa isang taon.

Maraming pasyente ang nagmo-monitor ng kanilang creatinine. Ang pagtaas ng creatinine ay senyales ng pagpalya ng kidneys. Pero ang pagtaas ng creatinine ay nasa bandang huli. Late sign na ito ng kidney failure. Mas maagang malalaman ang pagkakaroon ng problema sa bato kung makikita na may protina sa ihi.

Puwede ring magkaroon ng proteinuria kung may impeksyon sa ihi o UTI (urinary tract infection).  Marami pang mga ibang kondisyon o dahilan para magkaroon ng protina sa ihi liban sa mga nabanggit, kaya mabuting sumangguni sa inyong doktor kung mabula ang ihi.

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.