Paano mababawasan ang sakit sa pag-inject ng insulin?

By in Diabetes on November 3, 2015

Dahil sa mga modernong insulin pen at mas maliliit na karayom sa mga hiringgilyang pang-insulin, hindi na kasing sakit ang mag-inject ng insulin ngayon.

Paano mababawasan ang sakit sa pag-inject ng insulin?

  1. Huwag ulitin ang paggamit sa karayom. Madalas itong ginagawa para makatipid. Ang mga karayom na pang-insulin ay balot ng silicone para maging madulas at maging mas madali ang pagtusok sa balat. Kung gagamitin uli ang karayom, wala na itong silicone coating kaya ito ay mas maganit na at hirap na tumusok sa balat. Mas masakit nang itusok ang karayom kapag ganito. Dahil maninipis na ang mga karayom ngayon, puwede rin itong maputol sa ilalim ng balat kung gagamitin uli.
  2. Hintayin na matuyo ang alcohol na pinahid sa balat bago mag-injection. Mahapdi kasi kung itutusok ang karayom na basa pa ang alcohol sa balat.
  3. I-relax ang muscle sa ilalim ng balat kung saan ituturok ang karayom. Ang mga karayom ay maiiksi lamang at ang insulin ay dapat mapunta sa subcutaneous tissue o sa taba na nasa ilalim ng balat. Kung natatakot sa injection at tense ang muscle sa ilalim ng balat kung saan itutusok ang karayom, mas magiging masakit ang injection.
  4. Huwag maging mabagal sa pagtusok ng karayom sa balat. Mas masakit kapag ganito, kesa kung buong lakas ng loob na ididiretso ang pag-inject ng insulin sa balat. Maiksi lang naman ang mga karayom ngayon na pang-insulin kaya dapat ay madali naman itong itusok nang buo. Sa paghugot ng karayom ay huwag ding palitan ang direksyon kung paano ito tinusok para hindi madagdagan ang sakit.
  5. Ang insulin ay bawal mainitan kaya ito ay nilalagay sa refrigerator. Bawal din itong ma-frozen kaya dun lang dapat ito sa gulayan na bahagi ng ref at hindi sa freezer. Pero alam mo ba na mas masakit i-inject ang insulin na malamig? Kung handa nang mag-injection, ilabas na ang insulin galing sa ref mga limang minuto bago ito i-inject para hindi na ito malamig.
  6. Kung gumagamit ng hiringgilya, dapat ay walang bubbles sa loob nito. Masakit kapag may nasamang bubbles sa pag-inject ng insulin sa ilalim ng balat.

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.