Kape para sa may diabetes?

By in Diabetes on October 17, 2015

Isa ito sa mga pinakamadalas tanungin sa akin sa clinic? Dok, puwede pa ba akong mag-kape kung may diabetes ako?

Ang isang tasang kape ay may 2 calories lamang, kung black coffee ito. Ibig sabihin, walang asukal at walang creamer. Ang black coffee ay mababa sa calories kaya puwede siyang inumin ng may diabetes.

Ang isyu ay kung ano ang dinadagdag sa kape kaya tumataas ang calories nito. Halimbawa, ayon kay Katherine Zeratsky ng Mayo Clinic, ang isang kutsara ng mga sumusunod ay ganito karami ang calories –

Heavy whipping cream: 52 calories

Table sugar: 49 calories

Half-and half (gatas): 20 calories

Fat-free milk: 5 calories

Ang coffee creamer naman depende sa brand, ay 40-90 calories bawat dalawang kutsara. Dumadagdag ang calories depende sa kung ano ang dinadagdag sa kape at kung ilang tasang kape ang iniinom bawat araw.

Ang bawat tao depende sa timbang, taas at aktibidad ay may kaukulang bilang ng calories na kailangan bawat araw. Kung sobra ng 500 calories sa kailangan ng katawan, puwedeng madagdagan ang timbang ng 2 pounds bawat linggo. Alam natin na hindi nakakabuti ang pagdagdag ng timbang sa taong may diabetes.

Paano naman ang 3-in-1 coffee na sugar free? Tanong din yan ng mga pasyente ko. Sa mga nakita ko na 3-in-1 coffee sa supermarket, ang calories ng isang tasa ay 70-90 calories. Tandaan na ang kalahating tasa ng kanin ay 100 calories para mapagkumpara.

Ito ang payo ko sa aking mga pasyente. Puwedeng uminom ng kape kung black coffee ito dahil mababa ang calories. Ilang tasa? Puwedeng higit sa isang tasa kung walang problema sa puso. Tandaan na ang kape ay may caffeine at dahil dito puwedeng kumabog ang dibdib o magkaroon ng palpitations kung labis. Para sa mga may problema sa puso, magpaalam muna sa inyong doktor. Mas maigi siguro kung decaffeinated coffee na lang ang inumin.

Kung 3-in-1 coffee naman ang nais inumin dahil mas may lasa ito, tinatanong ko kung ilang tasa ba ang iniinom nila sa isang araw? Kung isang beses lang naman ay pinapayagan ko na. Kung higit sa isang tasa, ang sinasabi ko naman ay puwede pong 3-in-1 ang isang tasa at ang mga sumunod ay black coffee na lang.

 

 

 

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.