Lansones, mangosteen, rambutan at iba pa!

By in Diabetes on October 1, 2015

Marami na namang lansones, mangosteen at rambutan sa palengke at supermarket! Kahit hindi ako bumisita sa palengke, alam ko na panahon na naman ng mga prutas na ito dahil tinatanong na ako ng mga pasyente ko sa clinic –

Dok, puwede ba akong kumain ng lansones? Ilan po ang puwede? Eh yung mangosteen po? Kung rambutan po?

Para sa aking mga pasyente kung kontrolado naman ang kanilang diabetes ay pinapayagan ko silang kumain ng TATLONG fruit serving sa isang araw bilang dessert o panghimagas pagkatapos ng almusal, tanghalian at hapunan. Mas mainam kasi itong panghimagas kaysa cake o ice cream para sa mga may diabetes.

Ang SERVING size ay kung gaano karami ang puwedeng kainin ng isang may diabetes.

Para sa lansones: PITO (7) lang. At kung gaano kalaki 4 x 2 cm bawat lansones – kung balak mo talagang sukatin! 🙂

Para sa mangosteen: TATLO (3). Ang diameter o lapad ay 6 cm each.

Para sa rambutan: WALO (8). Ang diameter o lapad ay 3 cm each.

Bakit nililimitahan ang prutas sa diabetes? Lahat ng klaseng prutas ay puwedeng kainin ng may diabetes. Yun nga lang ay hindi puwedeng walang limitasyon kung ilan dahil ang prutas ay may carbohydrate din. Ang carbohydrate ay natutunaw at nagiging asukal sa dugo. Hindi po pinapagbawal ang prutas sa may diabetes dahil ang mga prutas ay may fiber, vitamins at minerals na mainam para sa kalusugan.

Ano ang paborito mong prutas? Magtanong at sasabihin ko kung gaano karami ang isang serving para sa may diabetes.

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.