Tama ba ang pag-inom mo ng levo-thyroxine?

By in Goiter (Bosyo) on September 26, 2015

Ang levo-thyroxine ay gamot na nirereseta para sa mga taong may hypothyroidism. Ang hypothyroidism ay isang kondisyon kung saan hindi na gumagana ang thyroid at wala itong ginagawang thyroid hormone. Ang levo-thyroxine ay isang uri ng thyroid hormone – T4. Minsan nirereseta din ng doktor ang levo-thyroxine para paliitin ang mga bukol sa thyroid. Umiinom din ng levo-thyroxine ang mga pasyenteng may kanser sa thyroid.

Paano inumin nang tama ang levo-thyroxine? Dapat ay walang laman ang tiyan. Kaya ang payo ay inumin ang levo-thyroxine trenta minutos hanggang isang oras bago mag-almusal kasama ng isang basong tubig. Tubig lamang po! Hindi puwedeng kape, gatas o juice.

Kung nakakain na at nakalimutang inumin ang levo-thyroxine, puwede ring inumin ito dalawang oras pagkatapos kumain. Ito ay dahil malamang nakababa na ang kinain sa bituka at wala nang laman ang tiyan muli kaya puwede nang inumin ang levo-thyroxine.

Mahalaga ang tamang pag-inom ng levo-thyroxine dahil kung mali ay hindi naa-absorb nang maigi ang gamot at nasasayang lamang.

May mga gamot na kailangang apat na oras ang pagitan sa pag-inom ng levo-thyroxine, tulad ng: antacid, calcium, iron, orlistat, simethicone at sucralfate. Ito ay dahil nakakaapekto ang mga gamot na ito sa pag-absorb ng levo-thyroxine.

Kung ang levo-thyroxine ay nireseta ng inyong doktor para sa hypothyroidism o kanser sa thyroid, habang buhay na ang pag-inom ng gamot na ito. Isangguni sa inyong doktor kung pang habang buhay nga ang pag-inom sa gamot para makasigurado. Kung para naman paliitin ang goiter ay mga ilang buwan lamang binibigay ang levo-thyroxine. Makipag-ugnayan sa inyong doktor kung hanggang kailan ito iinumin.

Ang levo-thyroxine ay puwedeng inumin ng buntis. Kung ikaw ay hypothyroid at umiinom ng levo-thyroxine, ipagbigay alam kaagad sa inyong doktor. Dahil kailangan din ng batang ipinagbubuntis ng thyroid hormone, mas mataas ang dosage ng levo-thyroxine na kailangan kapag buntis kaya kailangang magpatingin sa doktor para ma-adjust ang dose. Huwag itigil ang levo-thyroxine habang nagbubuntis kung ikaw ay hypothyroid para maiwasang maging hypothyroid din ang bata sa sinapupunan.

Huwag uminom ng levo-thyroxine para sa pagpapapayat. Hindi ito epektibong gamot na pampapayat at maaring magkaroon ng seryosong side effect sa puso kung iinom ng levo-thyroxine ang mga taong wala namang problema sa thyroid.

Maaaring sobra ang dose ng levo-thyroxine kung pumapayat, kumakabog ang dibdib, madaling hingalin o mapagod. Kailangan ng regular check-up sa doktor kung umiinom ng levo-thyroxine kahit minsan sa isang taon para masubaybayan kung tama ba ang dose na iniinom. Ang blood test na TSH ang mino-monitor ng doktor. Huwag ititigil ang pag-inom ng levo-thyroxine nang walang paalam sa doktor.

 

 

 

Share

2 thoughts on “Tama ba ang pag-inom mo ng levo-thyroxine?

  1. julie ann cruz
    1

    Good day po doc iris..naging patient nyo po ako once nung kumuha po ako ng clearance papuntang saudi last 2010 po..I undergone RAI last 2009 po and having maintanance of levothyroxine 100mcg daily..ikinasal napo ako last january 2015 and ngayung april po magbabakasyon po ako for 2 mos..wer planning to conceive napo sna doc..totoo po ba na mahihirapan po mabuntis kapag nagtatake ng levothyroxine?contraindicated po ba mag take ng clomid while taking levothyroxine? Nasa pinas po kasi mister ko at ako naman po 2mos lang po vacation ko at 29years old napo ako..gusto ko napo sna mabuntis…salamat po doc..GODBLESS PO…

    • 2

      Please inform your OB-Gyne about clomid and levothyroxine. Kung mabubuntis po, kailangan ng monthly check-up ng FT4 para ma-adjust ang dose ng levo-thyroxine. Usually po kailangan i-increase ang dose ng thyroxine kapag buntis.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.