Puwede ba ang beer sa may diabetes?

By in Diabetes on August 28, 2015

Kung ako ang tatanungin, mas mabuting huwag na lang uminom ng beer o alak ang may diabetes.  Kaya lang minsan ay hindi talaga maiwasan. Kaya mas mabuting alam na lang ng taong may diabetes kung ano ang mga limitasyon at mga tamang gagawin kung iinom ng beer o alak.

Kung ikaw ay may diabetes at nagbabalak uminom ng beer o alak, ito ang mga tanong na dapat mong sagutin muna sabi ng American Diabetes Association:

  1. Kontrolado na ba ang diabetes?
  2. Nagpaalam ka na ba sa doktor? May problema ka ba sa nerves (diabetic neuropathy) o altapresyon o ibang sakit na maaaring maapektuhan sa pag-inom ng alak?
  3. Alam mo ba ang puwedeng epekto ng beer o alak sa iyo at sa diabetes?

Ang rekomendasyon ng American Diabetes Association ay isang drink lamang para sa kababaihan at dalawang drink para sa mga kalalakihan sa bawat araw. Ito ang katumbas ng isang drink: 12 oz beer, 5 oz wine o 1 1/2 oz ng distilled spirits (vodka, whiskey, gin etc.).

Mga tips kung balak uminom ng may diabetes.

  1. Huwag uminom ng alak nang walang laman ang tiyan o kung mababa ang asukal sa dugo. Lalo kasing bababa ang asukal sa dugo. Ang alcohol ay dumadaan sa atay. Bumabagsak ang asukal kasi nagtatrabaho ang atay para matanggal ang alcohol sa dugo ninyo at hindi tuloy maisa-ayos ang asukal sa dugo. Mas mabagal din ang pag-absorb ng alcohol kung may laman ang tiyan.
  2. Kung iinom ng alak o beer, huwag sumobra sa allowance na sinabi ng American Diabetes Association lalo na kung umiinom ng gliclazide, glimepiride, glibenclamide o gumagamit ng insulin. Mas madali kasing bumagsak ang asuka sa dugo kung isasabay ang pag-inom ng alcohol sa mga gamot na ito.
  3. Inumin ang beer o alak nang dahan-dahan. Uminom din ng tubig para hindi kulangin sa tubig o maging dehydrated. Mas madaling malasing kung dehydrated.
  4. Mas maigi kung light beer para bawas sa calories. Ang isang regular 12 oz beer ay may 15 g na carbohydrate kumpara sa 3 to 6 grams sa light beer. Ang mga craft beer ay  mas maraming calories at laman na alcohol.
  5. Para sa mixed drinks, gumamit ng calorie-free drink mixers tulad ng diet soda, club soda, diet tonic water o tubig lamang. Depende kung paano ito tinimpla, ang mga sangria ay puwedeng mataas ang calories at maraming carbohydrates dahil sa dagdag na prutas o juice.
  6. Kung iinom ng wine, pumili ng dry red or white wine at iwasan ang mga flavored o dessert wines na matatamis.
  7. Magsuot ng bracelet o magdala ng ID na nakasulat na ikaw ay may diabetes. Minsan akala ay lasing lamang yun pala ay bagsak na ang asukal sa dugo.
  8. Huwag magmaneho kung nakainom. Ang alcohol ay puwedeng manatili sa dugo ng ilang oras hanggang isang araw. Mag-check ng blood sugar sa glucometer bago uminom, pagkatapos uminom at hanggang 24 oras pagkatapos uminom. Mag-check din ng blood sugar bago matulog, para makakain nang konti kung mababa ito.
  9. Huwag paghaluin ang ehersisyo at alcohol dahil mas mataas ang tsansa na bumagsak nang sobra ang asukal sa dugo at mahilo.
  10. Maging handa. Magdala ng kendi o ibang matamis na puwedeng kainin kapag bumagsak ang asukal sa dugo.
Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.