Hilo dahil sa hypoglycemia?

By in Diabetes on August 21, 2015

Ang hypoglycemia ay ang sobrang pagbaba ng asukal sa dugo. Puwedeng mangyari ito sa mga may diabetes dahil sa sumusunod:

1. Sobrang pag-inom ng gamot na pampababa ng asukal o pagturok ng insulin na labis sa kailangan

2. Konti ang kinain

3. Hindi kumain sa takdang oras o hindi talaga kumain

4. Nagdagdag ehersisyo na hindi nagdagdag sa kain o nag-adjust ng mga gamot para sa diabetes

5. Pag-inom ng alak o beer

Kapag sumobrang baba ang asukal sa dugo ay maaaring makaramdam ng pangangatal o panginginig, nahihilo, pinagpapawisan nang sobra o nang malamig, gutom na gutom ang pakiramdam, masungit o iritable, parang kinakabahan o natatakot, o sumasakit ang ulo.

Minsan nangyayari din na bumabagsak ang asukal sa dugo habang natutulog. Puwedeng mabasa ang hinihigaan dahil sa sobrang pagpapawis, magkaroon ng masamang panaginip o magising na parang pagod na pagod, nawawala sa sarili o masungit.

Kung hindi maaagapan ang pagbagsak ng asukal sa dugo, ito ay maaaring mauwi sa convulsions, labis na panghihina, pagiging utal o hindi makasalita, pagdilim ng paningin, pagka-antok, nawawala sa sarili at kalaunan sa pagkahimatay o mawalan ng ulirat at sa huli, sa kamatayan.

Ipagbigay alam sa inyong mga kamag-anak, mga kasama sa bahay o sa trabaho ang mga sintomas na ito. Minsan kasi ay hindi ito nalalaman ng mismong may katawan at napapansin lamang ng mga nakapaligid sa kanya. Minsan din ay nararamdaman ito ng may diabetes pero binabale wala. Huwag hintayin na malapit nang mahimatay bago humingi ng tulong.

Kung nakakaramdam ng sobrang pagbaba ng asukal sa dugo, ito ang mga puwedeng inumin o kainin –

  1. Lima hanggang anim na piraso ng kending matigas
  2. Four ounces o 120 ml ng REGULAR soft drink (hindi puwedeng diet dahil wala nga itong asukal)
  3. Isang kutsara ng asukal, jelly o honey

Dapat ay mag-check ng asukal kung may glucose meter pagkatapos ng kinse minutos. Kung mababa pa rin ang asukal sa dugo ay dapat kumain pa ulit.

Kung nahimatay ang may diabetes dahil sa pagbagsak ng asukal ay huwag nang subukan pang subuan o painumin at baka mabilaukan lamang. Dalhin na kaagad sa ospital para malagyan ng swero kung saan padadaanin ang dextrose (asukal).

Paano maiiwasan ng may diabetes ang HYPOGLYCEMIA?

  1. Huwag magpalipas ng gutom. Kumain sa takdang oras.
  2. Mag-check ng asukal sa dugo gamit ang glucose meter o glucometer.
  3. Inumin ang gamot sa tamang oras at sa tamang dosage.
  4. Magtanong sa doktor kung paano ang adjustment na kailangang gawin sa pagkain at mga gamot kung magdadagdag ng ehersisyo.
  5. Kung di maiwasang uminom ng alak, dapat ay may laman ang tiyan.
  6. I-record ang mga pangyayari nang bumagsak ang asukal. Anong oras nangyari? Ano ang kasalukuyang ginagawa nang makaramdam ng sintomas? Makakatulong ito sa follow-up sa doktor para malaman kung may kailangan bang gawing pagbabago sa mga gamot o pagkain.

 

 

Share

2 thoughts on “Hilo dahil sa hypoglycemia?

  1. 1

    Doc. Ano po dapat na gamot inumin pag mahihilo tapos mahimatay ? May UTI pro sya tapos animec din. Pag pa check up na po cxa tapos uminum ng gamot na nirisita ng doctor pero ganun parin doc mahihilo parin cxa at mahimatay.

    • 2

      Puwede po kasing hinihimatay dahil hindi pa nawala ang anemia. Ang anemia po ibig sabihin kulang sa pula ng dugo – minsan po kailangan ng blood transfusion. Sana po bumalik kayo sa doktor para ma-adjust po ang gamot.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.