
Bantay Paa Sa May Diabetes
Ang maputol ang paa dahil sa sugat na ayaw maghilom ang isa sa pinakakatakutang komplikasyon ng diabetes. Kung hindi kontrolado ang asukal sa dugo ay nagmamanhid ang mga paa ng may diabetes. Minsan tuloy, nalalaman na lang na may sugat na ang paa kapag ito ay nangangamoy na dahil sa pagkabulok mula sa impeksyon.
Kung ikaw ay may diabetes, dapat ay tingnan ang dalawang paa araw-araw. Puwedeng sa umaga pagkagising o sa gabi bago matulog. Tingnan ang BUONG paa pati sa pagitan ng mga daliri. Kung hirap kang gawin ito, puwedeng gumamit ng maliit na salamin para makita ang ilalim ng paa o magpatulong sa ibang tao.
Ipagbigay alam kaagad sa doktor kung may makita na mapulang balat, mga sugat o crack sa balat, paltos, kalyo o pamamaga sa paa.