Sino ang dapat magpa-check ng cholesterol?

By in Altapresyon, Diabetes, Kolesterol on August 8, 2015

Mahalaga na magpa-check ng cholesterol profile sa dugo dahil walang nararamdaman kahit mataas na ang cholesterol. Malalaman sa test na ito kung sobrang taas ng cholesterol para ma-estima kung gaano kalaki ang peligro ng pagkakaroon ng sakit sa puso o atake sa puso.

May mga tao na mataas ang risk o peligro na magkasakit sa puso o magkaroon ng heart attack. Ang mga sumusunod ay dapat magpa-check ng kompletong CHOLESTEROL or LIPID profile:

1. May altapresyon

2. May lahi ng mataas na cholesterol

3. Malaki ang puso (left ventricular hypertrophy). Puwedeng makita kung malaki ang puso sa pag-eksamen ng doktor, sa ECG o sa chest X-ray.

4. Mga kamag-anak na maagang namatay (bago ng edad na 55 sa lalaki at bago ng edad 65 sa babae) sa heart attack o stroke

5. Lalaki

6. Edad 55 years old pataas

7. Protina sa ihi (positive protein or albumin sa urinalysis)

8. Overweight or mataba

May apat na tests sa  kompletong lipid profile:

1. TOTAL cholesterol. Suma total ng cholesterol sa dugo.

2. High-density lipoprotein (HDL) cholesterol. Ito ang tinatawag ng GOOD cholesterol. Tinatangay nito ang bad cholesterol para hindi bumara sa mga ugat. Ang pagbara ng mga ugat nang dahil sa bad cholesterol ang nagiging sanhi ng heart attack at stroke.

3. Low-density lipoprotein (LDL) cholesterol. Ito ang tinatawag na BAD cholesterol. Puwede kasi itong mag-deposito sa mga ugat at maging cholesterol plaque na bumabara sa daloy ng dugo sa puso at sa utak.  Kapag tuluyang bumara o pumutok ang mga cholesterol plaque, nauuwi ito sa heart attack o stroke.

4. Triglycerides. Kung may sobrang calories na nakain, tinatago muna ng katawan ang hindi kailangan sa ating mga fat cells (taba) bilang triglycerides. Tumataas ang triglycerides kung naninigarilyo, mataba o overweight, at sa labis na pagkain ng matamis o pag-inom ng alak. Umaakyat din ang triglycerides kung hindi kontrolado ang diabetes at kulang sa ehersisyo.

Magpatingin sa doktor kung kailangang magpa-check ng cholesterol profile. Ang doktor din ang puwedeng magbasa ng resulta para mabigyan ka ng payo kung anong dapat sunod na gawin – tulad ng pag-inom ng gamot para sa mataas na kolesterol.

Share

8 thoughts on “Sino ang dapat magpa-check ng cholesterol?

  1. 1

    Hi! Doc regular m mens ko. Hndi prin po ako ngkakanak,.Kc po daw hndi daw po ako nngingitlog. Nagpaob-gyn n po ako binigyan po ako ng gamot pra mangitlog. Ilan buwan or taon po dapat ang gamutan.? May posibilidad po mgkaanak ako.? Salamat po

    • 2

      Depende po kasi kung ano po ang response ninyo dun sa gamot kung gaano ninyo katagal iinumin ang gamot.

  2. 3

    Doc pag malaki ba ang puso may chance pa na lumiit ito or may gamit ba ang pwedeng inumin para dito.ano po ang mga bawal na pagkain

    • 4

      Marami pong dahilan kung bakit lumalaki ang puso. Yung dahilan po ang dapat lunasan. Halimbawa po, puwedeng lumaki ang puso kapag hindi kontrolado ang altapresyon. Puwede pong mag-remodel ang puso kung normal na ang blood pressure.

  3. 5

    300 po ung trigycerides ko ngayon.. Dapat po b kong uminom ng gamot o mkukuha nman po sa diet?

    • 6

      Ang decision na mag-start ng gamot para sa mataas na triglycerides ay depende sa maraming factors at hindi lamang sa absolute number o taas ng triglycerides – halimbawa kung may lahi ng diabetes o altapresyon, sakit sa puso; kung overweight may diabetes at iba pa. Please consult a doctor para dito.

  4. rhei santos
    7

    Good day Dr. Tan,
    Nagte-take ng gamot ang mama ko para sa High Cholesterol nya, Nahihilo, madaling mapagod, nanghihina, nanginginig ang katawan, nahirapang huminga yung po yung mga nararamdaman nya, ano po ba mapapayo nyo para mabawasan yung sama ng pakiramdam nya. Maaaring nanghina sya dahil sa biglang pagkain nya di na gaya ng dati, Nakakalungkot makita yung sitwasyon nya. Sana po matulungan nyo ako. Lagi nya kasing dinadaing na nahihilo sya at biglang manginginig yung katwan, madali syang mapagod at hirap minsang huminga. Salamat po.

    • 8

      Sana po ay magpatingin sa doktor para mahanap ang dahilan bakit siya nakakaramdam ng ganyan. Sa pag-inom po ng gamot sa kolesterol, ang isang side effect po ay sumasakit ang kalamnan. Baka po puwede kayong bumalik sa doktor kung kailangang i-adjust ang dose ng gamot sa kolesterol.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.