Puwede ba ang unsweetened pineapple juice sa may diabetes?

By in Diabetes on August 3, 2015

Nagugulat ang aking mga pasyente kapag sinasabi ko na ang allowance para sa unsweetened pineapple juice ay 1/3 cup lamang. Ang suggestion ko nga ay dagdagan na lang ng tubig para mapuno ang cup. Kadalasan sinasabi ng pasyente, “Eh Dok, di ba unsweetened nga yun?” Opo unsweetened means hindi na po nila dinagdagan ng asukal nang gawing juice ang pineapple. Pero ang mismong pineapple ay may sugar na rin, galing sa fructose.

Ang pineapple ay prutas. Ang prutas ay may carbohydrate. Ang carbohydrate kapag natunaw sa dugo ay nagiging asukal. Ang ibang example ng mga pagkain na may carbohydrate: kanin, pansit, biscuit, crackers, oatmeal, tinapay, patatas, kamote, gabi, mais, cassava.

Kung may carbohydrate din ang prutas, bakit hindi ito bawal sa may diabetes? Hindi ito bawal dahil may vitamins at minerals ito at dapat kainin bahagi ng isang balanced diet.

Ilang fruit servings ang puwede sa isang may diabetes? Ang allowance ay tatlo at puwedeng gawing panghimagas o dessert ang prutas pagkatapos ng almusal, tanghalian at hapunan. Magtanong sa inyong doktor tungkol sa serving size ng mga prutas na puwedeng kainin. Halimbawa, kung kakain ng mangga ay dapat isang pisngi lamang. Kung maliliit na grapes naman ay hanggang sampung piraso lamang. Kung sa mansanas, puwede ang isang buo kung maliit pero kalahati lang kung malaking piraso. Ang saging medium size lang din.

Paano na ang unsweetened pineapple juice? Kung halimbawa ay iinumin nito sa tanghalian, huwag nang kumain ng prutas pa sa tanghalian bilang panghimagas at ang juice na ang kapalit nito.  Isa isang prutas lang po! 🙂 Ang pineapple juice ay considered na fruit serving din.

Ang isa pang payo ay kainin ang prutas imbes na gawing juice. Mas nakakabusog kasi ang buong prutas at maganda pa ang epekto ng fiber sa bituka. Pero hindi naman bawal kung gustong uminom ng may diabetes ng juice kundi dapat lang niya alam kung ano ang puwedeng epekto nito sa diabetes. Ang sobrang pag-inom ng fruit juice ay nakakataas din ng asukal sa dugo.

 

 

 

 

 

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.