Nakakasira ba ng kidneys ang Metformin?

By in Diabetes on August 2, 2015

Ito ang pinakamadalas tanungin sa akin ng mga pasyenteng may diabetes kaya naisipan kong sagutin ito dito.

Ang metformin ay tabletang gamot para sa mga taong may type 2 diabetes. Minsan nirereseta din ito para sa mga babaeng may polycystic ovary syndrome.

Karaniwang pinapainom ang Metformin nang may laman ang tiyan dahil may mga pasyenteng nakakaramdam ng pagsakit ng tiyan o parang may hangin ang tiyan. Ang iba naman ay nagiging malambot o basa ang dumi. Ang mga sintomas na ito ay nawawala rin makaraan ang ilang linggo kapag nasanay na ang katawan sa gamot. Kung hindi nawawala ang mga sintomas na ito ay ipagbigay alam sa doktor para mapalitan ang Metformin ng Metformin XR (extended release) o palitan na tuluyan ng ibang gamot para sa diabetes.

May dalawang klase ng Metformin. Metformin plain at Metformin XR. Huwag durugin, nguyain o hatiin ang XR na tablet para huwag mawalan ito ng bisa. Huwag magtaka kung lumabas sa dumi ang XR na tableta dahil nakalabas na ang laman na Metformin nito sa pagdaan nito sa bituka.

Ang Metformin ay dumadaan sa kidney kung saan 90% nito ay lumalabas sa ihi sa loob ng labindalawang oras. Kung may sakit sa bato, mas natatagalang makalabas ang Metformin at maari itong maipon sa dugo.

Ang diabetes mismo kung hindi ito naaalagaan at mataas parati ang asukal sa dugo ang nakakasira ng mga kidneys o bato. Ang pangunahing dahilan ng dialysis sa Pilipinas ay diabetes. Malalaman ng doktor kung nagkakaproblema na ang mga bato sa blood test na tinatawag na creatinine. Kapag sobrang taas na ang creatinine, binabawasan o hinihinto nang tuluyan ng doktor ang Metformin. Hindi binabawasan o hinihinto ng doktor ang Metformin dahil ito ang nakasira sa bato kundi para hindi maipon ang Metformin sa dugo dahil hindi na ito mailabas ng mga kidneys na may sira na.

May kino-compute ang mga doktor na value sa creatinine result ng pasyente na tinatawag na creatinine clearance. Kadalasan ay hindi na pinapainom ng Metformin kapag ang creatinine clearance ay 30 ml/min pababa. Magtanong sa inyong doktor kung may alinlangan tungkol sa inyong kidneys at ang pag-inom ng Metformin. Hindi makabubuti na maghinto ng Metformin o kahit na anong gamot nang walang payo ng doktor.

May mga pasyente ding natatakot sa dosage ng Metformin. Ang mga dosage ng tableta ng Metformin ay 500 mg, 750 mg, 850 mg at 1000 mg. Ang pinakamababang dosage ng Metformin ay 500 mg isang beses sa isang araw at kadalasan ang pinakamataas na dosage na nirereseta ng doktor ay 2000 mg sa bawat araw. Ang dosage na binibigay ng doktor ay depende kung gaano kataas ang asukal sa dugo o kung may iba pang kasamang gamot ang Metformin na pang-diabetes din.

 

 

 

Share

2 thoughts on “Nakakasira ba ng kidneys ang Metformin?

  1. 1

    Ang asawa ko kkaumpisa ng diabetes ntakot ako lge pinapainom ng metformin kc mrami mga psente nkkasira ng kidney daw?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.